Lunes, Pebrero 25, 2013

B. Mga Akdang Pampanitikan (1)


FIRST QUARTER



Apo Hiking Society

Batang Bata Ka Pa lyrics

(Danny)
Batang-bata ka pa at marami ka pang
Kailangang malaman at intindihin sa mundo
Yan ang totoo
Nagkakamali ka kung akala mo na
Ang buhay ay isang mumunting paraiso lamang

Batang-bata ka lang at akala mo na
Na alam mo na ang lahat na kailangan mong malaman buhay ay di ganyan
Tanggapin mo na lang ang katotohanan
Na ikaw ay isang musmos lang na wala pang alam
Makinig ka na lang, makinig ka na lang

(APO)
[chorus 1]
Ganyan talaga ang buhay lagi kang nasasabihan
Pagkat ikaw ay bata at wala pang nalalaman
Makinig ka sa ‘king payo pagkat musmos pa lamang
At malaman nang maaga ang wasto sa kamalian

(Boboy)
Batang-bata ako at nalalaman ko ‘to
Inaamin ko rin na kulang ang aking nalalaman at nauunawaan
Ngunit kahitganyan ang kinalalagyan
Alam mo na may karapatan angbawat nilalang kahit bata pa man, kahit bata pa man

(APO)
[chorus 2]
Nais ko sanang malaman ang mali sa katotohanan
Sariling pagraranas ang aking pamamagitan
Imulat ang isipan sa mga kulay ng buhay
Maging tunay na malaya ‘sang katangi-tanging bata

(Danny)
Batang-bata ka pa at marami ka pang kailangang malamn at intindihin sa mundo

(Boboy)
Nais ko sanang malaman ang mali sa katotohanan

(Danny)
Batang-bata ka lang at akala mo na, na alam mo na ang lahat na kailangang malaman

(Boboy)
Sariling pagraranas ang aking pamamagitan

(Danny)
Nagkakamali ka kung akala mo na ang buhay ay isang mumunting paraiso lamang

(APO)
La, la, la, la, la, la, la
La, la, la, la, la, la, la


ANG SUNDALONG PATPAT
Rio Alma
Unang Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng sampalok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin ko ang nawawalang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang inaayos ang papel na sombrero. “Pero hindi hinahanap ang ulan,” nagtatakang nagkamot ng tuktok ang sampalok. “Dumarating ito kung kailan gusto.” “Kung gayon, aalamin ko kung bakit matagal nang ayaw dumalaw ng ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at pinatakbo ang kaniyang kabayong payat.

Ikalawang Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng manok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin ko ang nakalimot na ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang nagpupunas ng pawis na tumatagaktak. “Pero hindi hinahanap ang ulan,” nagtatakang tilaok ng manok. “Dumarating ito kung tinatawagan at dinasalan.” “Kung gayon, aalamin ko kung bakit matagal nang hindi makarinig ang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at pinatakbo ang kaniyang kabayong payat.

Ikatlong Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng bundok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap ko ang nawawalang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang hinihimas ang kabayong humihingal. “Matagal nang umalis dito ang ulan,” paliwanag ng kalbong bundok. “Nagtago sa pinakamataas na ulap.” “Kung gayon, aakyatin ko ang ulap,” sabi ng Sundalong Patpat at umimbulog agad sa simoy na pumapagaspas.

Ikaapat na Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng ulap. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap ko ang nagtatagong ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang tinatapik ang nahihilong kabayong payat. “Matagal nang umalis dito ang ulan,” paliwanag ng maputlang ulap. “Nagtago sa pusod ng dagat.” “Kung gayon, sisisirin ko ang dagat,” sabi ng Sundalong Patpat at lumundag pabulusok sa mga along nakatinghas.

Ikalimang Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng dagat. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap ko ang nagtatagong ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at iwinasiwas ang espadang patpat. “Pero hindi nagtatago ang ulan,” paliwanag ng nagniningning na dagat. “Ibinilanggo ni Pugita sa kaniyang mutyang perlas.” “Kung gayon, papatayin ko si Pugita,” sabi ng matapang na Sundalong Patpat. “Palalayain ko ang ulan.”At sinugod ng Sundalong Patpat sakay ng kaniyang kabayong payat ang yungib ni Pugita. Nagulat si Pugita sa biglang pagpasok ng Sundalong Patpat na iwinawasiwas ang espadang patpat. Nagulat si Pugita sa liksi at lakas ng maliit na Sundalong Patpat. Nagulat si Pugita sa talim at talas ng kumikislap na espadang patpat.

Una at Ikalawang Pangkat: Mabilis at isa-isang tinigpas ng Sundalong Patpat ang malalaki’t mahahabang galamay ng mabagal at matabang dambuhala. Isa, dalawa, tatlo. Apat. Lima. Anim. Pito. Walo! Huli na nang magbuga ng maitim na tinta si Pugita. Nasungkit na ng Sundalong Patpat ang mutyang perlas na nakapalawit sa kuwintas ng nalumpong hari ng dagat!

Ikatlo at Ikaapat na Pangkat: Hawak ang perlas, dali-daling sumibad patungong pampang ang Sundalong Patpat sakay ng mabilis na kabayong payat. Pag-ahon ay agad niyang ipinukol ang mutyang perlas paitaas, mataas, mataas na mataas, hanggang umabot sa tiyan ng ulap at sumabog na masaganang ulan.

Ikalimang Pangkat: Nagbunyi ang buong daigdig. Sumupling muli’t naglaro ang mga damo’t dahon. Nagbihis ng luntian ang mga bukid at bundok. Muling umawit ang mga ibon at ilog…

Lahat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng sampalok. “Saan ka na naman dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin ko ang gusi ng ginto sa puno ng bahaghari,” sagot ng makisig na Sundalong Patpat at pinatakbo ang makisig na kabayong payat.


Isang Dosenang Klase ng High School
(Halaw sa librong ABNKKBSNPLAko?!)
Ni: Bob Ong

Clowns- Ang official kenkoy ng klase. May mga one-liner na gumigising sa lahat kapag nagkakaantukan na. Sabi ng mga teacher, eto raw ‘yung mga KSP sa klase na dahil hindi naman matalino e idinadaan nalang sa patawa ang pagpapapansin. Pero aaminin ko, walang klaseng walang ganito, at kung mayroon man, magiging matinding sakripisyo ang pagpasok sa eskwela araw-araw.

Geeks- Mga walang pakialam sa mundo, libro-teacher-blackboard lang ang iniintindi. Kahit na mainit ang ulo at badtrip ang teacher, ang mga geeks ang walang takot na lumalapit sa kanila para lang itanong kung mag-iiba ang resulta ng equation kung isa-substitute ‘yung value ng X sa Y.

Hollow Man- May dalawang uri ng HM virus, ang type A at type B. Ang type A ay mga estudyanteng madalas invisible, bakante ang upuan, madalas absent. Type B naman ang mga mag-aaral na bagama’t present e invisible naman madalas ang sagot sa mga quiz, hollow ang utak.

Spice Girls- Barkadahan ng mga kababaihang mahilig gumimik, sabay-sabay pero laging late na pumapasok ng room pagkatapos ng recess at lunch break. Madalas na may hawak na suklay, brush at songhits. Pag pinagawa mo ng grupo ang isang klase, laging magkakasama sa iisang grupo ang SG.

Da Gwapings- Ang male counterpart ng SG, isinilang sa mundo para magpa-cute. Konti lang ang miyembro nito, mga dalawa hanggang apat lang, para mas pansin ang bawat isa. Tulad ng SG, kadalasang puro hair gel lang ang laman ng mga utak ng mga DG.

Celebrities- Politicians, athletes, at performers. Politicians ang mga palaban na mag-aaral na mas nag-aalala pa sa kalagayan ng eskwelahan at kapwa estudyante kesa sa grades nila sa Algebra. Athletes ang ilang varsitirian na kung gaano kabilis tumakbo e ganoon din kabagal magbasa. Performers naman ang mga estudyanteng kaya lang yata pumapasok sa eskwela e para makasayaw, makakanta, at makatula sa stage sa tuwing Linggo ng Wika. Sa pangkalahatan, ang mga celebreties ay may matinding PR, pero mababang IQ.

Guinnees-  Mga record holders pagdating sa persistence. Pilit pinupunan ng kasipagan ang kakulangan ng katalinuhan. Sila ang kadalasang nagtatagumpay sa buhay. Masinop sa projects, aktibo sa recitation. Paulit-ulit at madalas magtaas ng kamay kahit na mali ang sagot.

Leather Goods- Mga estudyanteng may maling uri ng determinasyon. Laging determinado ang mga ito sa harapang pangongopya, bulgarang pandaraya, at palagiang pagpapalapad ng papel sa teacher. Talo ang balat ng buwaya sa pakapalan.

Weirdos- Mga problematic students, misunderstood daw, kadalasang tinatawag na black sheep ng klase. May kanya-kanya silang katangian. Konti ang kaibigan, madalas mapaaway, mababa ang grades, at teacher’s enemy.

Mga Anak ni Rizal- Ang endangered species sa eskwelahan. Straight ‘A’ students, pero well rounded at hindi geeks. Teacher’s pet, pero hindi sipsip. Hari ng Math, Science, at English, pero may oras pa rin sa konting extra-curricular activities at gimmicks.

Bob Ongs- Mga medyo matino na medyo may sayad. Eto ‘yung estudyanteng habang nagle-lecture ‘yung teacher e pinaplano na ‘yung librong ipa-publish nya tungkol sa mga classmates n’ya.

Commoners- Mga generic na miyembro ng klase. Kulang sa individuality at katangiang umuukit sa isipan. Hindi sila kagad napapansin ng teacher pag absent, at sa paglipas ng panahon, sila ang mga taong unang nakakalimutan ng mga teachers at classmates nila.


Sandaang Damit
1. May isang batang babaing mahirap. Nag-aaral siya. Sa paaralan ay kapansin-pansin ang kanyang pagiging walang imik. Madalas ay nag - iisa siya. Lagi siyang nasa isang sulok. Kapag nakaupo na’y tila ipinagkit. Lagi siyang nakayuko, mailap ang mga mata, sasagot lamang kapag tinatawag ng guro, halos paanas pa kung magsalita.
2. Naging mahiyain siya sapagkat maaga niyang nalaman na kaiba ang kanyang kalagayan kung ihahambing sa mga kaklase. Ipinakita at ipinabatid nila iyon sa kanya. Mayayaman sila. Magaganda at iba-iba ang kanilang damit na pamasok sa paaralan. Madalas ay tinutukso siya dahil sa kanyang damit. Ang kanyang damit, kahit malinis ay halatang luma na, palibahasa ay kupas na at punung-puno pa ng sulsi.
3. Kapag oras ng kainan at labasan nag kani-kaniyang pagkain, halos ay ayaw niyang ipakita ang kanyang baon. Itatago niya sa kanyang kandungan ang pagkain, pipiraso nang kaunti, tuloy subo sa bibig, mabilis upang hindi malaman ng mga kaklase kung ano ang dalang pagkain. Sa sulok ng kanyang mata’y masusulyapan niya ang mga pagkaing dala ng kanyang mga kaklase gaya ng mansanas, sandwiches, mga imported at mamahaling tsokolate .
4. Ang panunukso ng mga kaklase ay hindi nagtatapos sa kanyang mga damit. Tatangkain nilang silipin kung ano ang kanyang pagkain at sila’y magtatawanan kapag nakita nila na ang kanyang baon ay isa lamang pirasong tinapay na karaniwa’y walang palaman.
5. Kaya lumayo siya sa kanila. Siya ay naging walang kibo at mapag -isa.
6. Ang nangyayaring ito ay batid ng kanyang ina. Pag uwi sa bahay, madalas siyang umiiyak dahil sa panunukso ng mga kaklase at siya’y nagsusumbong sa ina. Mapapakagat - labi ang kanyang ina, matagal itong hindi makakibo, at sabay haplos nito sa kanyang buhok at may pagmamahal na sasabihin sa kanya, “Bayaan mo sila, anak, huwag mo silang pansinin. Hayaan mo, kapag nagkaroon ng trabaho ang iyong ama, makapagbabaon ka na rin ng masasarap na pagkain. Maibibili rin kita ng maraming damit.”
7. At lumipas pa ang maraming araw. Ngunit ang ama ay hindi pa rin nakakuha ng trabaho kaya ganoon pa rin ang kanilang buhay. Ang bata naman ay unti-unting nakauunawa sa kanilang kalagayan. Natutuhan niyang makibahagi sa malaking suliranin ng kanilang pamilya. Natutuhan niyang sarilinin ang pagdaramdam sa panunukso ng mga kaklase. Hindi na siya nagsusumbong sa kanyang ina.
8. Sa kanyang pagiging tahimik ay ipinalagay ng kanyang mga kaklase na siya ay kanilang talu-talunan kaya lalongsumidhi ang kanilang pang-aasar. Lumang damit. Di-masarap na pagkain. Mahirap. Pilit na ipinasok nila sa kanyang isip.
9. Hanggang nang isang araw ay natuto siyang lumaban.
10. Sa buong pagtataka nila’y bigla na lamang natutong sumagot ang mahirap na batang babae na laging luma, kupas at puno ng sulsi ang damit. Ang batang babae na ang laging baon ay tinapay na walang palaman. Isa na naman iyong pagkakataong walang magawa ang kanyang mga kaklase kung hindi ang tuksuhin siya.
11. “Alam ninyo,” sabi niya sa malakas at nagmamalaking tinig, ”ako’y may sandaang damit sa bahay.”
12. Nagkatinginan ang kanyang mga kaklase. Hindi sila makapaniwala. “Kung totoo iyan ay bakit lagi na lang luma ang isinusuot mo?”
13. Mabilis ang sagot niya, “dahil iniingatan ko ang aking sandaang damit. Ayokong maluma agad.”
14. “Sinungaling ka! Ipakita mo muna sa amin para kami maniwala!” iisang sabi nila sa batang mahirap.
15. “Hindi ko madadala rito. Baka makagalitan ako ni Nanay. Kung gusto ninyo ay sasabihin ko na lang kung ano ang tabas, kung ano ang tela, kung ano ang kulay, kung may ribbon o may bulaklak.”
16. At nagsimula na nga siya sa kanyang pagkukwento. Paano ay inilalarawan niya hanggang kaliit-liitang detalye ang bawat isa sa kanyang sandaang damit. Tulad halimbawa ng isang damit na pamparti. Makintab na rosas ang tela na maraming mumunting bulaklak, bolga ang manggas, may tig-isang ribbon sa magkabilang balikat. Hanggang sakong ang haba ng damit. O kaya ay ang kanyang dilaw na pantulog na may burda. O ang kanyang puting pansimba na may malapad na sinturon at malaking bulsa.
17. Mula noon ay naging kaibigan na niya ang mga kaklase. Ngayon, siya na ang laging nagsasalita at sila ang nakikinig. Lahat sila ay natutuwa sa kanyang kwento tungkol sa sandaang damit. Nawala ang kanyang pagiging mahiyain. Naging masayahin siya bagaman patuloy pa rin ang kanyang pamamayat kahit na ngayo’y nabibigyan nila siya ng kapiraso ng kanilang baong mansanas o sandwich.
18. Isang araw, hindi pumasok sa klase ang mahirap na batang babaing may sandaang damit. Saka ng sumunod na araw at ng sumunod pang araw. Pagkaraan ng isang linggong hindi pagpasok ay nag-alala ang kanyang mga kaklase at guro.
19. Isang araw ay nagpasya silang dalawin ang batang matagal ng absent sa klase. Ang natagpuan nilang bahay ay sira-sira at nakagiray na sa kalumaan.
20. Lumabas ang isang babaing payat, iyon ang ina ng batang mahirap. Sila ay pinatuloy at nakita nila ang maliit na kabuuan ng kabahayan na salat na salat sa marangyang kasangkapan. Sa isang sulok ay isang lumang papag at doon nakaratay ang batang babaing may sakit pala. Ngunit sa mga dumalaw ay di agad ang maysakit ang napagtuunan ng pansin kundi ang mga papel na maayos na nakadikit sa dingding sa may tabi ng papag. Lumapit sila sa sulok at nakita nilang ang mga papel na nakadikit sa dingding ay yaong mga drowing ng bawat isa sa sandaang papel. Magaganda, makukulay. Naroong lahat ang kanyang naikuwento. Totoo at naroroon ang sinasabi niyang rosas na damit na pamparti. Naroroon din ang drowing ng kanyang damit pantulog, ang kanyang pansimba, ang mga sinasabi niyang pamasok sa paaralan na kailanma’y hindi nasilayan ng mga kaklase dahil ayon sa kanya’y nakatago at iniingatan sa bahay.
21. Sandaang damit na pawang drowing lamang.


KUNG BAKIT UMUULAN
Isang Kuwentong Bayan

Noong unang panahon, wala pang mundo, wala pang araw at buwan, wala pangoras, at wala pang buhay o kamatayan. Mayroon lang dalawang Diyos, si Tungkung Langit, at ang kaniyang kabiyak na si Alunsina.
“Tingnan mo, mahal, lilikhain ko ang santinakpan para sa iyo!” pagmamalaking sabi ni Tungkung Langit.
“Hayaan mong tulungan kita, kaya ko ring lumikha,” ang sabi ni Alunsina.
“Huwag kang mag-alala, mahal, ito ang regalo ko sa iyo: ang mga bituin, ang mga planeta, ang buwan, ang mga ulap, at ang hangin.”
“Pero makapangyarihan din naman ako, dahil isa akong Diyosa,” bulong ni Alunsina.
Ngumiti lang si Tungkung Langit at niyakap si Alunsina. Pagkatapos, tumindig siya nang matikas, huminga nang malalim, at sumigaw nang pagkalakas-lakas sa kawalan.
Lahat ng sabihin ni Tungkung-Langit ay nagkatotoo. Kumalat ang sinag ng bagong likhang araw. Kumislap-kislap ang mga bituin. Umikot ang mga planeta at lumiwanag ang buwan. Humangin nang pagkalakas-lakas.
At naulit ito nang naulit. Mahal na mahal ni Tungkung Langit si Alunsina, kaya ayaw niya itong mapagod. Ayaw niyang gumamit ng kahit isang daliri si Alunsina upang lumikha ng kahit isang bagay.
“Mas gugustuhin kong maupo ka na lang, magpahinga, at maging maganda,” ang sabi ni Tungkung Langit kay Alunsina.
Ngunit sawa na si Alunsina sa ganoong klaseng buhay. Naramdaman niyang parang wala siyang silbi bilang Diyosa. Gusto niyang lumikha.
“Huwag kang mag-alala,” sabi ni Tungkung Langit sa kaniyang iniibig, “wawakasan ko ang iyong pagkabagot. Lilikha ako ng… oras!” At nagsimula nga ang oras.
Kasamang nalikha ng oras ang alaala… at naalala ni Alunsina ang panahong wala pang laman ang kalawakan, nang hindi siya nakalikha ng kahit ano. “Gusto kong lumikha!” sabi ni Alunsina.
Isang araw, patagong sinundan ni Alunsina si Tungkung Langit. Nang makita siya ni Tungkung Langit, agad siyang tinanong: “Bakit ka narito? Bakit mo ako sinusundan?”
“Gusto kong lumikha! Diyos din ako tulad mo!” sabi ni Alunsina.
“Nababagot ka ba uli, mahal? Huwag kang mag-alala, lilikhain ko ang kulog at kidlat para sa iyo!”
Lumiwanag at dumagundong sa buong kalangitan dahil sa kulog at kidlat. Nagulat ang buong santinakpan. Nagtago ang araw, ang buwan at bituin. Kahit ang hangin ay tumigil sa pag-ihip! Pero hindi natinag si Alunsina. Nakatayo lang siya roon, nanonood, nakakunot ang noo.
“Sawa na akong panoorin ka lang lumikha ng planeta at araw at bituin! Sawa na akong naririto lang, nakaupo, walang ginagawa! Kaya kong lumikha! Isa rin akong Diyosa!”
Pero hindi siya pinakinggan ni Tungkung Langit. Umalis siya at lumikha pa ng maraming bagay sa kalawakan. Akala niya ay nagpapapansin lang si Alunsina.
Hindi na nakayanan ni Alunsina ang lungkot sa kaniyang puso, kaya lumayas siya sa kanilang tirahan. Pag-uwi ni Tungkung Langit, gulat na gulat siya nang makitang walang apoy sa kanilang kalan, walang pagkain sa kanilang mesa. At wala na rin ang kaniyang Alunsina.
“Alunsina! Alunsina!” Hinanap nang hinanap ni Tungkung Langit ang kaniyang asawa, ngunit hindi niya ito matagpuan. Tinawag niya nang tinawag ang pangalan ni Alunsina, ngunit walang binalik ang hangin kundi alingawngaw.
Lumipas ang mahabang panahon, at nasawa rin sa paglikha si Tungkung Langit. Araw-araw, hinanap ni Tungkung Langit ang kaniyang iniibig. Ngunit wala siyang nakita.
Isang araw, sumilip si Tungkung Langit mula sa ilang ulap. Hinawi niya ang mga ulap at sa kaniyang gulat, naroon ang kaniyang asawang si Alunsina.
“Anong ginagawa mo diyan, mahal? Matagal na kitang hinahanap!”
Tumingala si Alunsina. Kitang-kita sa kaniyang mukha ang kaligayahang matagal nang hinahangad ni Tungkung Langit.
“Nilikha ko ang daigdig. Ang daigdig na may puno at halaman, isda at mga ibon.
Nilikha ko ang mga bundok, ang langit, ang karagatan. Nilikha ko ang buhay, dahil isa rin akong Diyos.” At nagpatuloy si Alunsinang lumikha.
Nasaktan si Tungkung Langit. Ang kaligayahang nakita niya sa mukha ng kaniyang asawa ay hindi dahil sa pagkakita sa kaniya.
Mula noon, hindi na bumalik si Alunsina sa kalangitan. Paminsan-minsan, sinusubok siyang pabalikin ni Tungkung Langit sa pamamagitan ng paglikha ng kulog at kidlat. Ngunit hindi na babalik muli si Alunsina.
Mula noon, upang mabisita ni Tungkung Langit ang kaniyang dating asawa, kailangan niyang mag-anyong ulan. Ulan na didilig sa daigdig na nilikha ng kaniyang iniibig, si Alunsina.



                         Alamat ni Tungkung Langit
Hindi makapaniwala ang mga tao noon na wala naman talagang langit at lupa. 
Ako, si Alunsina, at ang asawa kong si Tungkung Langit ang pinagmulan ng lahat
ng bagay. Kaming dalawa lamang ang pinag-ugatan ng buhay. Mula sa kaibuturan ng kawalan, itinakda ng aming kasaysayan ang paglitaw ng daigdig ng mga tao.


Nabighani si Tungkung Langit nang una niya akong makita. Katunayan, niligawan niya ako nang napakatagal, sintagal ng pagkakabuo ng tila walang katapusang kalawakan na inyong tinitingala tuwing gabi. At paanong hindi mapaiibig si Tungkung Langit sa akin? Mahahaba’t mala-sutla ang buhok kong itim. Malantik ang aking balakang at balingkinitan ang mahalimuyak na katawan. Higit sa lahat, matalas ang aking isip na tumutugma lamang sa gaya ng isip ni Tungkung Langit.
Kaya sinikap ng aking matipuno’t makapangyarihang kabiyak na dalhin ako doon sa pook na walang humpay ang pag-agos ng dalisay, maligamgam na tubigan. Malimit kong marinig ang saluysoy ng tubig, na siya ko namang sinasabayan sa paghimig ng maririkit na awit. Napapatigalgal si Tungkung Langit tuwing maririnig ang aking tinig. “Alunsina,” aniya, “ikaw ang iibigin ko saan man ako sumapit!” Pinaniwalaan ko ang kaniyang sinambit. At ang malamig na simoy sa paligid ang lalo yatang nagpapainit ng aming dibdib kapag kami’y nagniniig.
Napakasipag ng aking kabiyak. Umaapaw ang pag-ibig niya; at iyon ang aking nadama, nang sikapin niyang itakda ang kaayusan sa daloy ng mga bagay at buhay sa buong kalawakan.
Iniatang niya sa kaniyang balikat ang karaniwang daloy ng hangin, apoy, lupa, at tubig. Samantala’y malimit akong maiwan sa aming tahanan, na siya ko namang kinayamutan. Bagaman inaaliw ko ang sarili sa paghabi ng mga karunungang ipamamana sa aming magiging anak, hindi mawala sa aking kalooban ang pagkainip. Wari ko, napakahaba ang buong maghapon kung naroroon lamang ako’t namimintana sa napakalaki naming bahay.
Madalas akong gumawi sa aming pasigan, at manalamin sa malinaw na tubig habang sinusuklay ang mababangong buhok. Ngunit tuwing tititig ako sa tubig, ang nakikita ko’y hindi ang sarili kundi ang minamahal na si Tungkung Langit.
Sabihin nang natutuhan ko kung paano mabagabag. Ibig kong tulungan ang aking kabiyak sa kaniyang mabibigat na gawain. Halimbawa, kung paano itatakda ang hihip ng hangin. O kung paano mapasisiklab ang apoy sa napakabilis na paraan. O kung paano gagawing malusog ang mga lupain upang mapasupling nang mabilis ang mga pananim. Ngunit ano man ang aking naisin ay hindi ko maisakatuparan. Tumatanggi ang aking mahal. “Dito ka na lamang sa ating tahanan, Alunsina, di ko nais na makita kang nagpapakapagod!”
Tuwing naririnig ko ang gayong payo ni Tungkung Langit, hindi ko mapigil ang maghinanakit. Kaparis ko rin naman siyang bathala, bathala na may angkin ding kapangyarihan at dunong. Tila nagtutukop siya ng mga tainga upang hindi na marinig ang aking pagpupumilit. Nagdulot iyon ng aming pagtatalo. Ibig kong maging makabuluhan ang pag-iral. At ang pag-iral na yaon ang sinasagkaan ng aking pinakamamahal.
Araw-araw, lalong nagiging abala si Tungkung Langit sa kaniyang paggawa ng kung ano-anong bagay. Makikita ko na lamang siyang umaalis sa aming tahanan nang napakaaga, kunot ang noo, at tila laging malayo ang iniisip. Aaluin ko siya at pipisilin naman niya ang aking mga palad . “Mahal kong Alunsina, kapag natapos ko na ang lahat ay wala ka nang hahanapin pa!” At malimit nagbabalik lamang siya kapag malalim na ang gabi.
Sa mga sandaling yaon, hindi ko mapigil ang aking mga luha na pumatak; napapakagat-labi na lamang ako habang may pumipitlag sa aking kalooban.
Dumating ang yugtong nagpaalam ang aking kabiyak. “Alunsina, may mahalaga akong gawaing kailangang matapos,” ani Tungkung Langit. “Huwag mo na akong hintayin ngayong gabi’t maaga kang matulog. Magpahinga ka. Magbabalik din agad ako. . . .” May bahid ng pagmamadali ang tinig ng aking minamahal. Lingid sa kaniya, nagsisimula nang mamuo sa aking kalooban ang matinding paninibugho sa kaniyang ginagawa. Umalis nga si Tungkung Langit at nagtungo kung saan. Subalit pinatititikan ko siya sa dayaray upang mabatid ang kaniyang paroroonan. Ibig ko siyang sundan.
Natunugan ni Tungkung Langit ang aking ginawa. Nagalit siya sa dayaray at ang dayaray ay isinumpa niyang paulit-ulit na hihihip sa dalampasigan upang ipagunita ang pagsunod niya sa nasabing bathala. Samantala, nagdulot din yaon ng mainit na pagtatalo sa panig naming dalawa.
“Ano ba naman ang dapat mong ipanibugho, Alunsina?” asik ni Tungkung Langit sa akin. “Ang ginagawa ko’y para mapabuti ang daloy ng aking mga nilikha sa daigdig ng mga tao!” Napoot ang aking kabiyak sa akin. Nakita ko sa kaniyang mga mata ang paglalagablab, at lumalabas sa kaniyang bibig ang usok ng pagkapoot. Dahil sa nangyari, inagaw niya sa akin ang kapangyarihan ko. Ipinagtabuyan niya ako palabas sa aming tahanan.
Oo, nilisan ko ang aming bahay nang walang taglay na anumang mahalagang bagay. Nang lumabas ako sa pintuan, hindi na muli akong lumingon nang hindi ko makita ang bathalang inibig ko noong una pa man. Hubad ako nang una niyang makita. Hubad di ako nang kami’y maghiwalay.
Alam kong nagkamali ng pasiya si Tungkung Langit na hiwalayan ako. Mula noon, nabalitaan ko na lamang na pinananabikan niya ang paghihintay ko sa kaniya kahit sa gitna ng magdamag; hinahanap niya ang aking maiinit na halik at yakap; pinapangarap niyang muling marinig ang aking matarling na tinig; inaasam-asam niya na muli akong magbabalik sa kaniyang piling sa paniniwalang ibig kong makamit muli ang kapangyarihang inagaw niya sa akin. Ngunit hindi.
Hindi ko kailangan ang aking kapangyarihan kung ang kapangyarihan ay hindi mo rin naman magagamit. Hindi ko kailangan ang kapangyarihan kung magiging katumbas iyon ng pagkabilanggo sa loob ng bahay at paglimot sa sariling pag-iral.
Ipinaabot sa akin ng dayaray ang naganap sa dati naming tahanan ni Tungkung Langit. Sinlamig ng bato ang buong paligid. Pumusyaw ang dating matitingkad na palamuti sa aming bahay. Lumungkot nang lumungkot si Tungkung Langit at laging mainit ang ulo. “Mabuti naman,” sabi ko sa dayaray. “Ngayon, matututo rin si Tungkung Langit na magpahalaga sa kahit na munting bagay.”
Umaalingawngaw ang tinig ni Tungkung Langit at inaamo ako dito sa aking bagong pinaghihimpilan upang ako’y magbalik sa kaniya. Ayoko. Ayoko nang magbalik pa sa kaniya. Kahit malawak ang puwang sa aming pagitan, nadarama ko ang kaniyang paghikbi. Oo, nadarama ko ang kaniyang pighati. Lumipas ang panahon at patuloy niya akong hinanap. Ngunit nanatili siyang bigo.
Ang kaniyang pagkabigo na mapanumbalik ang aking pagmamahal ay higit niyang dinamdam. Nagdulot din yaon sa kaniya upang lalong maging malikhain sa paghahanap. Akala niya’y maaakit ako sa kaniyang gawi. Habang nakasakay sa ulap, naisip niyang lumikha ng malalawak na karagatan upang maging salamin ko. Hindi ba, aniya, mahilig si Alunsina na manalamin sa gilid ng aming sapa? Nababaliw si Tungkung Langit. Hind gayon kababaw ang aking katauhang mabilis maaakit sa karagatan.
Pumaloob din si Tungkung Langit sa daigdig na nilikha niya na laan lamang sa mga tao. Naghasik siya ng mga buto at nagpasupling ng napakaraming halaman, damo, palumpong, baging, at punongkahoy. “Marahil, maiibigan ito ni Alunsina,” ang tila narinig kong sinabi niya. Gayunman, muli siyang nabigo dahil hindi ako nagbalik sa kaniyang piling.
Humanap pa ng mga paraan ang dati kong kabiyak upang paamuin ako. Halimbawa, kinuha niya sa dati naming silid ang mga nilikha kong alahas. Ipinukol niya lahat ang mga alahas sa kalawakan upang masilayan ko. Naging buwan ang dati kong ginintuang suklay; naghunos na mga bituin ang mga hiyas ko’t mutya; at naging araw ang ginawa kong pamutong sa ulo. Kahit ano pa ang gawin ni Tungkung Langit, hindi na muli akong nagbalik sa kaniyang piling.
Namighati siya. At nadama niya kung paanong mamuhay nang mag-isa, gaya lamang ng naganap sa akin dati doon sa aming tirahan. Lumuha nang lumuha si Tungkung Langit, at ang kaniyang pagluha ay nagdulot sa unang pagkakataon ng pag-ulan. Kapag siya’y humahagulgol, nagbubunga yaon ng malalakas na pagkulog at pagkidlat. May panahong tumitindi ang kaniyang pighati, kaya huwag kayong magtaka kung bakit umuulan. Ang mga luha ni Tungkung Langit ang huhugas sa akin, at sa aking kumakawag na supling.



SALAMIN
Assunta Cuyegkeng
Walang kurap siyang titingin sa akin,
itong kakambal ko sa salamin.
Pag-aaralan ang linya at pekas
na unti-unti nang kumalat sa aking mukha
pag-aaralan pati ang mata kong
kape pala ang kulay, hindi itim.
Walang kurap siyang magmamasid,
pag-aaralan ang takbo ng aking dibdib
na kung minsan, kumakabog,
kung minsan, natutulog.
Dito nagtatago ang aking mangingibig,
ina at ama, anak, kapatid,
ang init ng gising kong dugo,
ang hininga ng Diyos na matiyagang
nakikinig.
Tatapatan niya ako,
sisipatin mula paa hanggang ulo
at ihaharap sa akin,
walang retoke,
ang buo kong pagkatao.


                                Ang Pintor
                               Jerry Gracio

Gumuhit siya ng ibon
Lumipad ito palayo
Gumuhit siya ng isda,
Lumangoy ito sa hangin.
Gumuhit siya ng bulaklak,
Nagkalat ang halimuyak sa dilim.
Iginuhit niya ang sarili,
At inangkin siya ng kambas.


                                          Impeng Negro 
                                          Rogelio Sikat

“Baka makikipag-away ka na naman,” tinig iyon ng kanyang ina. Nangangaral na naman. Mula kinatatalungkuang giray na batalan, saglit iyang napatigil sa paghuhugas ng mumo sa kamay.

“Hindi ho,” paungol niyang tugon.

“Hindi ho...” Ginagad siya ng kanyang ina. “Bayaan mo na nga sila. Kung papansinin mo’y lagi ka ngang mababasag-ulo.”


May iba pang sinasabi ang kanyang ina ngunit hindi na niya pinakinggan. Alam na niya ang mga iyon. Pulit-ulit na niyang naririnig. Nakukulili na ang kanyang tainga.


Isinaboy niya ang tubig na naa harap. Muli siyang tumabo. Isinawak niya ang kamay, pinagkiskis ang mga palad at maghilamos.


“Dumaan ka kay Taba mamayang pag-uwi mo,” narinig niyang bilin ng ina. “Wala nang gatas si Boy. Eto’ng pambili.”


Tumindig na siya. Nanghihimad at naghihikab na itinaas ang mahabang kamay. Inaantok pa siya. Gusto pa niyang magbalik sa sulok na kanyang higaan. Ngunit kailangan na siyang lumakad. Tatanghaliin na naman bago siya makasahod. At naroon na naman marahil si Ogor. Kahit siya ang nauna ay lagi siyang inuunahan ni Ogor sa pagsahod.


Umiingit ang sahig ng kanilang barung-barong nang siya’y pumasok.


“Nariyan sa kahon ang kamiseta mo.”


Sa sulok ng kanyang kaliwang mata’y nasulyapan niya ang ina. Nakaupo ito, taas ang kaliwang paa, sa dulo ng halos dumapa nang bangko. Nakasandig ang ulo sa tagpiang dingding. Nakalugay ang buhok. Bukas ang kupasing damit na gris, nakahantad ang laylay at tuyot na dibdib. Kalong nito ang kanyang kapatid na bunso. Pinasususo.


“Mam’ya, baka umuwi ka na namang... basag ang mukha.”


Matagal na napako ang kanyang tingin kay Kano, ang sumusunod sa kanya. Maputi si Kano, kaya ganito ang tawag dito sa kanilang pook. Kakutis ni Kano ang iba pa niyang kapatid. Marurusing ngunit mapuputi. May pitong taon na si Kano. Siya nama’y maglalabing-anim na. Payat siya ngunit mahaba ang kanyang biyas.


Hinalungkat na niya ang kahong karton na itinuro ng ina. Magkakasama ang damit nila nina Kano, Boyet, at Diding. Sa may ilalim, nakuha niya ang kulay-lumot niyang kamiseta. Hinawakan niya iyon sa magkabilang tirante. Itinaas. Sinipat.


“Yan na’ng isuot mo.” Parang nahulaan ang kanyang iniisip.


Isinuot niya ang kamiseta. Lapat na lapat ang kamisetang iyon noong bagong bili ngunit ngayo’y maluwag na. Nagmumukha siyang Intsek-beho kapag suot iyon ngunit wala naman iyang maraming kamietang maisusuot. Mahina ang kita ng kanyang ina sa paglalabada; mahina rin ang kita niya sa pag-aagwador.


Nagbalik siya sa batalan. Nang siya’y lumabas, paan na niya ang kargahan. Tuloy-tuloy niyang tinungo ang hagdan.


“Si Ogor, Impen,” pahabol na bilin ng kanyang ina. “Huwag mo nang pansinin.”


Naulinigan niya ang biling iyon at aywan kung dahil sa inaantok pa siya, muntik na siyang madapa sa nakausling bato sa may paanan ng kanilang hagdan.


Tuwing umagang mananaog siya upang umigib, pinagpapaalalahanan siya ng ina. Huwag daw siyang makikioagbabag. Huwag daw niyang papansinin si Ogor. Talaga raw gayon iyon; basagulero. Lagi niyang iinasaisip ang mga bilin nito ngunit adya yatang hindi siya makapagtitimpi kapag narinig niya ang masasakit na panunukso sa kanya sa gripo, lalung-lalo na mula kay Ogor.


Si Ogor, na kamakailan lamang ay bumabag sa kanya, ang malimit magsimula ng panunukso.


“Ang itim mo, Impen,” itutukso nito.


“Kapatid mo ba si Kano?” isasabad sa mga nasa gripo.


“Sino bang talaga ang tatay mo?”


“Sino pa,” isisingit I Ogor, “di si Dikyam.”


Sasambulat na ang tawanan. Pinakamatunog ang tawa ni Ogor. Si Ogor ang kinikilalang hari sa gripo.


“E, ano kung maitim?” isasagot niya.


Nanunuri ang mga mata at nakangising iikutan siya ni Ogor. Magsusunuran nang manukso ang iba pang agwador. Pati ang mga batang naroon : “Tingnan mo’ng buhok. Kulot na kulot! Tingnan mo’ng ilong. Sarat na sarat! Naku po, ang nguso. Namamalirong!”


Sa katagalan, natanggap na niya ang panunuksong ito. Iyon ang totoo, sinabi sa sarili. Negro nga siya. E, ano kung Negro? Ngunit napipikit siya. Ang tatay niya’y isang sundalong Negro na nang maging anak siya’y biglang nawala sa Pilipinas.


Ang panunuksong hindi niya matanggap, at siya ang pinagmulan ng nakaraan nilang pagbababag ni Ogor, ay ang inabi nito tungkol sa kanyang ina. (Gayon nga kaya kasama ang kanyang ina?)


“ari-sari ang nagiging kapatid ni Negro,” sinabi ni Ogor. “Baka makatatlo pa ang kanyang nanay ngayon!”


Noong dinadala ng kanyang ina ang kapatid niyang bunso ay iniwan ito ng asawa. Hindi malaman kung saan nagsuot. At noon, higit kailanman, naging hamak sila sa pagtingin ng lahat. Matagal-tagal ding hindi naglabada ang kanyang ina, nahihiyang lumabas sa kanilang barung-barong. Siya ang nagpatuloy sa pag-aagwador. At iya ang napagtuunan ng sari-saring panunukso.


Natatandaan niya angmga panunuksong iyon. At mula noon, nagsisimula nang umalimpuyo sa kanyang dibdib ang dati’y binhi lamang ng isang paghihimagsik, nagsuumigaw na panghihimagsik sa pook na iyong ayaw magbigay sa kanila ng pagkakataong makagitaw at mabuhay nang payapa.


Sariwa pa ang nangyaring pakikipagbabag niya kay Ogor, naiisip ni Impen habang tinatalunton ang mababatong daan, patungo sa gripo. Mula sa bintana ng mga barung-barong, nakikita niyang nagsusulputan ang ulo ng mga bata. Itinuturo siya ng mga iyon. Sa kanya rin napapatingin ang matatanda. Walang sinasabi ang mga ito, ngunit sa mga mata, sa galaw ng mga labi, nababasa niyang isinisigaw ng mga paslit, Negro!


Napatungo na lamang siya.


Natatanaw na niya ngayon ang gripo. Sa malamig ngunit maliwanag nang sikat ng araw, nakikita na niya ang langkay ng mga agwador. Nagkakatipun-tipon ang mga ito. Nagkakatuwaan. Naghaharutan.


Sa langkay na iyon ay kilalang-kilala ang anyo ni Ogor. Paano niya malilimutan si Ogor? Sa mula’t mula pa, itinuring na siya nitong kaaway, di kailan man binigyan ng pagkakataongmaging kaibigan.


Halos kasinggulang niya si Ogor, ngunit higit na matipuno ang katawan nito. Malakas si Ogor. Tuwid ang tindig nito at halos, hindi yumuyuko kahit may pang balde ng tubig, tila sino mang masasalubong sa daan ay kayang-kayang sagasaan.


Nang marating niya ang gripo ay tungo ang ulong tinungo niya ang hulihan ng pila. Marahan niyang inalis ang pagkakawit ng mga balde. Sa sarili, nausal niyang sana’y huwag siyang maging paksa ng paghaharutan at pagkakatuwaan ng mga agwador.


Nakakaanim na karga na si Impen. May sisenta sentimos nang kumakalansing sa bulsa ng kutod niyang maong. At may isa pang nagpapaigib sa kanya. Diyes sentimos na naman. Kapag tag-araw ay malaki-laki rin naman ang kinikita ng mga agwador. Mahina ang tulo ng tubig sa kanilang lugar. AT bihira ang may poso.


Tanghali na akong makauuwi nito nausal niya habang binibilang niya sa mata ang mga nakapilang balde. Maluwang ang parisukat na sementong kinatitirikan ng gripo at ang dulo ng pila’y nasa labas pa niyon.


Di kalayuan sa gripo ay may isang tindahan. Sa kalawanging yerong medya agwa ay nakasilong ang iba pang agwador. May naghubad na ng damit, at isinampay na lamang sa balikat. May nagpapaypay. May kumakain ng halu-halo.


Sa pangkat na iyon ay natutok agad ang kanyang paningin kay Ogor. Pinilit niyang supilin ang hangaring makasilong. Naroon sa tindahan si Ogor. Hubad-baro at ngumisi. Mauupo na lamang siya sa kanyang balde. Mabuti na rin iyon kahit nakabilad a araw. Pasasaan ba’t di iikli rin ang pila, nasaisip niya. Makakasahod din ako.


Kasalukuyan siyang nagtitiis sa init nang may maulinigan siyang sigaw mula sa tindahan :


“Hoy, Negro, sumilong ka baka pumuti!”


Si Ogor iyon. Kahit hindi siya lumingon, para na niyang nakita si Ogor. Nakangisi at nanunukso na naman.


“Negro,” muli niyang narinig, “sumilong ka sabi, e baka ka masunog!”


Malakas ang narinig niyang tawanan. Ngunit hindi pa rin siya lumingon. Tila wala siyang naririnig. Nakatingin siya sa nakasahod sa balde, ngunit ang isip niya ay ang bilin ng ina, na huwag na raw niyang papansinin si Ogor. Bakit ba niya papansinin si Ogor?


Tinigilan naman ni Ogor ang panunukso. Hindi pa rin siya umaalis sa kinauupuang balde. At habang umuusad ang pila, nararamdaman niya lalo ang init ng araw. Sa paligid ng balde, nakikita niya ang kanayng anino. Tumingala siya ngunit siya’y nasilaw. Nanghahapdi at waring nasusunog ang kanyang batok, likod at balikat. Namumuo ang pawis sa kanyang batok at sa ibabaw ng kanyang ilong.


Itinaas niya ang tirante ng kamiseta. Hinipan-hipan niya ang manipis na dibdib. Di natagalan at isinawak ang kamay sa nalabing tubig sa balde. Una niyang binasa ang ulo. Kinuskos niya ang kanyang buhok at nabasa pati ang kanyang anit. Binasa niya ang balikat, ang mga bisg. May nadama siyang ginhawa. Ngunit pansamantala lamang iyon. Di nagtagal, muli niyang naramdamang tila nangangalirang na naman ang kanyang batok at balat. Kay hapdi ng kanyang batok at balat.


“Negro!” Napatuwid siya sa pagkakaupo nang marinig iyon. Nasa likuran lamang niya ang nagsalita. Si Ogor. “Huwag ka nang magbilad. D’on ka sa lamig.”


Pagkakataon na ni Ogor upang sumahod. At habang itinatapat nito ang balde sa gripo, muli niyang nakitang ngingisihan siya nito.


Napakatagal sa kanya ang pagkapuno ng mga balde ni Ogor. Napabuntunghininga siya nang makitang kinakawitan na ni Ogor ang mga balde. Sa wakes, aalis na si Ogor, naisip niya. Aalis na si Ogor. Huwag na sana siyang bumalik…


May galak na sumuusuno sa kanyang dibdib habang pinagmamasdan ang pagkapuno ng sinundang balde. Susunod na siya.


Makakasahod na siya. Makakasahod na rin ako, sabi niya sa sarili. Pagkaraan ng kargang iyon ay uuwi na siya. Daraan pa nga pala siya kay Taba. Bibili ng gatas.


Datapuwa’t, pagkaalis ng balding hinihintay niyang mapuno, at isasahod na lamang ang a kanya, ay isang mabigat at makapangyarihang kamay ang biglang pumatong sa kanyang balikat. SI Ogor ang kanyang natingala. Malapit lamang pala ang pinaghatdan nito ng tubig.


“Gutom na ako! Negro,” sabi ni Ogor, “Ako muna.”


Pautos iyon. Saglit siyang hindi nakakibo. Natingnan lamang niya si Ogor. Iginitgit ni Ogor ang balde at kumalantog ang kanilang mga balde.


Iginitgit niya ang kanyang balde bahagya nga lamang at takot siya sa paggitgit. Kadarating mo pa lamang, Ogor nais niyang itutol. Kangina pa ako nakapila rito, a.


“Ako muna sabi, e.” giit ni Ogor.


Bantulot niyang binawi ang balde. Nakatingin pa rin si Ogor. Itinaob niya ang kakaunting nasahod ng balde at ang tubig ay gumapang sa semento at umabot sa mga paa ni Ogor. Uuwi na ako, bulong niya sa sarili. Uuwi na ako. Uuwi na ako. Mamaya na lang ako iigib uli. Nakatingin sa araw, humakbang siya upang kunin ang pingga ngunit sa paghakbang na iyon, bigla siyang pinatid ni Ogor.


“Ano pa bang ibinubulong mo?”


Hindi na niya narinig iyon. Nabuwal siya. Tumama ang kanyang kanang pisngi sa labi ng nabitiwang balde. Napasigaw siya. Napaluhod siya sa madulas na semento, dalawang kamay niyang tinutop ang pisngi.

Takot, nanginginig ang kanyang mga daliri. Dahan-dahan niyang iniangat iyon. Basa… Mapula… Dugo!


Nanghihlakbot siya. Sa loob ng ilang saglit hindi na niya maulit na salatin ang biyak na pisngi. Mangiyak-ngiyak siya.


O…gor … O …gor” Nakatingala siya kay Ogor, mahigpit na kinukuyom ang mga palad. Kumikinig ang kanyang ulo at nangangalit ang kanyang ngipin. “Ogor!” sa wakes ay naisigaw niya.


Hindi minabuti ni Ogor ang kanyang pagkakasigaw. Sinipa siya nito. Gumulong siya. Buwal ang lahat ng balding lalalabi sa pila. Nagkalugkugan. Nakarinig siya ng tawanan. At samantalang nakadapa, unti-unting nabuo sa walang malamang sulingan niyang mga mata ang mga pang alikabukin. Paparami iyon at pumapaligid sa kanya.


Bigla siyang bumaligtad. Nakita niya ang naghuhumindig na anyo ni Ogor. Nakakaakma ang mga bisig.


“Ogor”


Tumawa nang malakas si Ogor. Humihingal at nakangangang napapikit siya. Pumulas ang luha sa sulok ng kanyang mga mata. Nasa ganito siyang kalagayan nang bigla niyang maramdaman ang isang ubos-lakas na sipa sa kanyang pigi. Napasigaw siya. Umiiyak siyang gumulong sa basa at madulas na semento. Namimilipit siya. Tangan ang sinipang pigi, ang buong anyo ng nakaangat niyang mukha’y larawan ng matinding sakit.


Matagal din bago napawi ang paninigas sa kanyang pigi. Humihingal siya. Malikot ang kanayng mga mata nang siya’y bumangon at itukod ang mga kamay sa semento.


Si… Ogor. Sa mula’t mula pa’t itinuturing na siya nitong kaaway. Bakit siya ginaganoon ni Ogor? Bakit? Bakit?


Kumikinig ang kanyang katawan. Sa poot. Sa naglalatang na poot. At nang makita niyang aangat ang kanang paa ni Ogor upang sipain siyang muli ay tila nauulol na asong sinunggaban niya iyon at niyakap at kinagat.


Bumagsak ang nawalan ng panimbang na si Ogor. Nagyakap sila. Pagulong-gulong. Hindi siya bumibitiw. Nang siya’y mapaibabaw, sunod-sunod niya Dagok, dagok, dagok, dagok, dagok, dagok… pahalipaw… papaluka…papatay.


Sa pook na iyon, sa nakakarimarim na pook na iyon, aba ang pagtingin sa kanila. Maruming babae ang kanyang ina. Sarisari ang anak . At siya, isang maitim, hamak na Negro… Papatayin niya si Ogor… papatayin. Papatayin.


Dagok. Dagok, dagok… Nag-uumigting ang kanyang mga ugat. Tila asong nagpipilit makaibabaw si Ogor. Tila bakal na kumakapit ang mga kamay. Sa isang iglap siya naman ang napailalim. Dagok, dagok, Nagpipihit siya. Tatagilid. Naiiri. Muling matitihaya. Hindi niya naiilagan ang dagok ni Ogor. Nasisilaw siya sa araw. Napipikit siya sa araw. Mangungudngod siya, mahahalik sa lupa ngunit wala siyang nararamdamang sakit!


Nakakatatlo ng asawa si Inay. Si Kano… si Boyet… Si Diding… at siya… Negro, Negro, Negro!


Sa mga dagok ni Ogor tila nasasalinan pa siya ng lakas. Bigla, ubos- lakas at nag-uumuti siyang umigtad. Dagok, dagok, bayo, bayo, dagok, bao… kahit saan. Sa mukha.. Dagok, dagok, dagok, dagok…


Mahinana si Ogor. Lupaypay na. Nalaglag na ang nagsasangang kamay. Humihingal na rin siya, humahagok. Ngunit nagliliyab pa rin ang poot sa kanyang mga mata. Dagok. Papaluka. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, bayo…


Gumagalaw-galaw ang sabog na labi ni Ogor.


“Impen…”


Muli niyang itinaas ang amay. Dagok.


“I-mpen…” halos hindi na niya naririnig ang halinghing ni gor. “I-mpen, suko n-na…a-ako…s-suko na na … a-ako!”


Naibaba niya ang nakataas na kama. Napasuko niya si Ogor! Napatingala siya. Abut-abot ang paghingal. Makaraan ang ilang sandali, dahan-dahan at nanlalambot siyang tumindig, nakatuon ang mga mata kay Ogor. Wasak ang kanyang kamiseta at duguan ang kanyang likd. May basa ng dugo’t lupa ang kanyang nguso.


Maraming sandaling walang nangahas na magsalita. Walang nakakibo sa mga agwador. Hindi makapaniwala ang lahat. Lahat ay nakatingin sa kanya.


Isa-isa niyang tiningnan ang mga nakapaligid sa kanya. Walang pagtutol sa mga mata ng mga it. Ang nababakas niya’y paghanga. Ang nakita niya’y pangingimi.


Pinangingimian siya!


May luha siya sa mga mata ngunitmay galak siyang nadama. Luwalhati. Hinagud-hagud niya ang mga kamao. Nadama niya ang bagong tuklas na lakas niyon. Ang tibay, ang tatag… ang kapangyarihan. Muli niyang tiningnan ang nakabulagtang si Ogor. Pagkaraa’y nakapikit at buka ang labing nag-angat siya ng mukha.


Sa matinding sikat ng araw. Tila siya isang mandirigmang sugatan ngunit matatag na nakatindig sa pinagwagiang larangan.


Ang Ambahan ni Ambo
Edgardo Marahan
Balisang nagising si Jack, malakas ang kabog ng dibdib. Uminom siya ng isang basong

tubig. Kay samang panaginip! Nagkaroon ng malaking sunog sa bundok ng Halcon,

umabot sa pinakatuktok. Natupok lahat ang mga puno at damo. Paghupa ng apoy ay siya
namang pagdilim ng mga ulap, na sinundan ng ilang araw na bagyo at bugso ng ulan.
Nalusaw ang lupa at bato sa bundok ng Halcon, at unti-unti itong dumausdos patungong
kapatagan, tangay ang lahat ng naiwang buhay na mga tao at iba pang nilalang.
Nagtatangisan ang mga Mangyan sa pagkagunaw ng kanilang daigdig – habang siya ay
walang puknat ang takbo. Hindi niya malaman kung nasaan na ang kanyang Ate Anne at
mga magulang…
Umaga na pala. Pagbangon ni Jack ay dumungaw siya agad sa bintana. May tilamsik
ng liwanag sa ituktok ng Halcon. Ang bundok ay parang isang tahimik na tanod, luntian
at matayog. Bihira niyang makita itong walang suklob na ulap, tulad ngayon.
“Balang araw, Jack,” sabi sa kanya ni Ambo noong nakaraang araw, “aakyatin natin
iyan, hanggang doon sa ituktok, hanggang doon sa mga ulap!”
Lumukso ang kanyang puso sa sinabing iyon ni Ambo.
“Hoy, di maaaring di ako kasama!” sabad ni Anne, ang matandang kapatid ni Jack.
“Tayong lahat, aakyatin natin ang mga ulap sa Halcon!” wika ni Ambo.
Si Ambo ay isang batang Mangyan. Siya ang matalik na kaibigan ng dalawang tagaMaynilang si Jack at si Anne.
Ngayong umagang ito, parang mabigat ang dibdib ni Jack. Hindi mapawi sa isipan ang
kanyang napanaginipan.
“Naku, daddy, mommy, para pong totoong-totoo! Para nga akong humihingal pa sa
pagod paggising ko….,” bulalas ni Jack nang sila’y nag-aagahan na.
“Para namang disaster movie ang panaginip mo!” tudyo ni Anne. “’Yan kasi,
palibhasa’y walang mapagpuyatang video dito sa Mindoro, midnight snack naman ang
napagtripan, naimpatso tuloy, at muntik nang bangungutin!”
“Dati-rati, panay namang masasaya ang mga panaginip ko,” sabi ni jack.
Napatingin siya kay Pete, ang kanyang ama. Tahimik itong kumakain, tila nag-iisip
nang malalim.
Iniisip ni Pete ang nangyari kahapon. Silang apat ay dumalo sa pagbibinyag ng isang
batang Mangyan. Ang pagbibinyag ay ginawa ng isang dayuhang misyonerong Kristiyano,
na ilang taon nang nakikipamuhay sa mga katutubo ng bundok, at sa pag-uugali,
pananamit at pananalita’y aakalain mong isa na ring Mangyan.
Maraming Mangyan ang dumalo sa binyag, ngunit hindi sila lubos na masaya, kahit
pa man umaapaw ang hapag na kawayan sa dami ng pagkaing-gubat na pinag-ambagambagan ng maraming kamag-anak at kakilala. Ilan sa kanila ang naglakas-loob na
magsalaysay ng kanilang mga karanasan nitong nakaraang mga araw.
Isang matandang Mangyan ang huling nagsalita.
“Saan pa po kami pupunta? Itinataboy kami ng mga nagmimina at nagtotroso mula
sa aming tinitirhan. Itinataboy kami ng mga nang-aagaw ng lupa mula sa burol. Kami
pong mga katutubo ay ipit na ipit na paatras kami nang paatras paakyat sa bundok, at
nalalayo kami sa aming pinagkukunan ng ikabubuhay. Para nang bulkang sasabog ang
aming mga dibdib sa sama ng loob!”
Nasaksihan nina Pete at Tet at ng dalawa nilang anak ang paghihimagsik ng look at
ang pagtulo ng luha ng mga Manyan. Nang umiyak si Ambo ay nangilid din ang luha ng
magkapatid.
Si Jack at si Anne, na kapuwa tubong-Amerika ngunit laking-Maynila at
nakapaglakbay na sa ibayong dagat, ay dinala sa Mindoro ng kanilang mga magulang
upang magkaroon ng “kakaibang karanasan” at “katutubong kaalaman”.
Si Pete ay isang doktor. Si Tet ay isang guro, manunulat at mananaliksik. Ilang
taon din silang naglagi at nagpakadalubhasa sa Amerika, bago naisipang umuwi sa
Pilipinas upang doon palakihin ang dalawa nilang anak. Nanaig sa kanila ang hangaring
makatulong sa anumang paraan para sa kanilang mga kababayan, matapos silang
dumalo sa isang “solidarity congress” na idinaos sa San Francisco, California, noong
panahon ng Batas Militar, ilang taon na ang nakararaan.
Isang delegasyon ng mga aktibista at mga pinuno ng katutubong Pilipino ang
nagbigay ng iba’t ibang uri ng pagtatanghal – mga dula at tula, mga sayaw, mga video ng
mga pangyayari sa Pilipinas sa ilalim ng diktadura, lalo na ang kalunos-lunos na kalagayan
ng mga katutubong Pilipino. Ang karaniwang tawag sa kanila ay “mga minorya”, o “mga
taong-bundok”, o kaya’y “mga pagano”.
Naantig ang damdamin ng mag-asawa, at sila’y nagtanong kung paano makatutulong
ang mga Pilipino sa ibayong dagat upang mapabuti ang kalagayan ng mga katutubo sa
Pilipinas.
“Maaari kayong magpadala ng mga pangkat na magsasagawa ng imbestigasyon sa
aming tunay na kalagayan,” wika ng isang kinatawan ng mga Lumad sa Mindanao.
“Maaari kayong sumulat at magsiwalat ng kasamaang dulot ng mga proyektong
nakasisira sa kalikasan, at sumasakop sa aming lupaing ninuno,” wika naman ng isang
pinuno ng tribung taga-Kordilyera.
“Maaari rin kayong magpadala ng mga manggagamot at mga guro sa aming pook
upang bigyan ng lunas ang aming mga karamdaman, at turuan kaming bumasa at
sumulat, upang maipaglaban naming ang aming mga karapatan,” payo naman ng isang
tagapagsalita ng mga Mangyan.
Ilang buwan pagkatapos nilang dumalo sa kongresong iyon, pabalik na sa Pilipinas
ang mag-asawang Pete at Tet, kasama ang kanilang dalawang anak. Sa Maynila na nila
papag-aaralin sina Anne at Jack, habang sila’y lalahok sa mga proyektong may kinalaman
sa pagtulong sa mga katutubong Pilipino.
Maraming nagtaka kung bakit nagpasiyang umuwi ang mag-asawa, samantalang
maaliwalas ang kanilang kinabukasan sa Amerika. At lalo silang nagtaka kung bakit
madalas na dumalaw sina Pete at si Tet sa mga katutubo, na nasa malalayong
bulubundukin ng Luzon, Kabisayaan at Mindanao.
Sari-saring palagay at payo ang narinig ng mag-asawa mula sa mga kamag-anak –
kabilang na ang kanilang mga magulang – mga kaibigan, at mga dating kamag-aral.
“Bumalik na lang kayo sa Isteyts, alang-alang sa mga anak n’yo! Tutal, sa Amerika
kayo nag-aral at nagkaanak, kaya sanay na kayo sa buhay-isteytsayd!”
“Naku, kailangan daw ngayon ang mga doktor at titser sa US, Saudi at Canada! Aplay
na kayo! Sabay-sabay na tayong umalis! Wala na yatang pag-asa itong bayan natin!”
“Ano? Medical mission na naman sa mga tribu? Mapagkamalan ka pang isang
rebelde, kasi gusto mong tumulong sa mahihirap! Tingnan mo ang nangyari kay Dr.
Bobby de la Paz, at Dr. Johnny Escandor!”
Alam ni Pete kung sino ang tinutukoy nila. Mga bayaning doktor na nangasawi
habang nanggagamot sa mahihirap sa kanayunan. Pinagbintangan silang mga kasapi ng
kilusang rebelde.
“Ano’ng mapapala n’yo sa bundok? Malarya. At ano’ng ibabayad sa iyong
paggagamot? Manok, gulay, o kaya’y Diyos-na-lang-po-ang-bahalang-gumanti-sa-inyo!
Kelan mo pa mababawi ang daan-libong ginastos mo sa pag-aaral ng medisina?”
“Ha? Ipinagpalit mo ang pagiging propesor sa UP sa pagtuturo sa mga taong nasa
bundok, at wala ka pang suweldo?”
Ngunit nangingiti na lamang ang mag-asawa. Malalim ang pagnanais nilang
dumamay sa mga kababayan at kalahi nilang wika nga’y tinalikdan na ng panahon
at pinabayaan na ng pamahalaan. sa kaunting panahong nakipamuhay sila sa
mga katutubong ito, nagkaroon ng bagong kahulugan ang kanilang buhay bilang
manggagamot at guro.
Matuling lumipas ang panahon, at nang malaki-laki na sina Anne at jack, isinasama
na sila ng kanilang mga magulang, tuwing bakasyon, sa kanilang medical mission at
educational outreach sa iba’t ibang tribu sa Pilipinas. At ngayon ngang taong ito, naisipan
ng mag-asawa na bumalik sa Mindoro upang muling dalawin ang kanilang mga kaibigang
Mangyan.
Dalawang buwan silang maninirahan sa bayan ng Pinagkamalayan, sa Silangang
Mindoro. Ang bayang ito ay nasa mga burol sa paanan ng kabundukang kinaroonan ng
matayog na Halcon. Hindi makita halos ang ituktok nito, na tinawag ng mga Mangyan na
‘lagpas-ulap’.
Masigla ang magkapatid habang umaakyat sa kabundukan ang kanilang sasakyan.
Ilang kilometro sa Pinagkamalayan, pataas na ang lupa. Dito nagsisimula ang gubat na
laging maulap at maulan. Nasa ilang at liblib na pook na iyon ang Bagong Nayon, na
siyang kinaroroonan ng mga Mangyang matagal nang kakilala ng kanilang mga magulang.
Dito rin nila unang nakilala si Ambo. Halos magkasinggulang si Ambo at si Jack. Payat
at may kaliitan si Ambo, samantalang si Jack ay mabulas na bata.
“Bakit hindi ka na nag-aaral?” naitanong minsan ni Jack kay Ambo. Si Jack ay nasa
ikaanim na baytang ng elementarya sa Maynila.
“Greyd Tu na ako nang kami’y pinalayas sa aming nayon. Malapit kami noon sa iskul.
Dito, kailangan pang maglakad nang napakalayo… kaya tumigil na lang ako… pati ‘yung
ibang mga bata, nahinto na rin…”
Malungkot si Ambo tuwing magkukuwento siya.
“Isang araw, may dumating na mga tao, galing sa Maynila. May dala silang… ano ba
‘yun?... papeles yata ang tawag. Magmimina raw sila ng karbon, o kaya’y ginto, sa aming
lugar. Sila na nga ang nagpapaalis, sila pa ang galit…”
Marami rin namang tanong si Ambo sa magkapatid.
“Nagtataka ‘yung ibang Mangyan dito. Bakit daw ‘Merkano yata ang mga pangalan
n’yo, pati na ang mga magulang n’yo?”
Natawa ang magkapatid.
“Kasi,” paliwanag ni Jack, “sa Amerika kami pareho ipinanganak. Doon nagtapos ng
pag-aaral ang mommy at ang daddy…”
“Ang totoo,” wika naman ni Anne, “si Jack ay Santiago at ako’y Anna Maria. Ito ang
mga pangalang pinili ng aming lolo’t lola, na may lahi raw Kastila!”
“At ang buong pangalan ng aming mga magulang ay Pedrito at Teresita,” paliwanag ni
Anne.
Di malaman ni Ambo kung siya’y mapapatango o mapapailing. Lalo lamang siyang
nalito sa paliwanag ng magkapatid.
Ilang linggong nanirahan ang mag-anak sa Bagong Nayon. Masayang-masaya si
Jack at si Anne. Marami na silang natututuhan dito, na hindi itinuturo sa paaralan!
Ang kabataan ay mahusay humilis ng katutubong biyolin, at kumalanting ng gitara.
Tumututugtog din sila ng agung kasabay ng matatanda.
Bihasa rin silang humabi ng damit at maglala ng basket. Nakabubuo rin sila ng mga
kuwintas mula sa mga butil at manik, at ng mga pulseras, sinturon at iba pang kagamitan
mula sa halamang ang tawag ay nĂ­to. Marami rin sa kabataan ang sanay magpatunog ng
hihip na kawayan, at gumamit ng sibat sa pangangaso. Si Ambo nga raw ay nakapag-uwi
na ng isang maliit na baboy-damo!
At itong si Ambo, gayong napakabata, ay may pambihirang galing sa ambahan.
Ito’y isang uri ng tula na binibigkas ng mga Mangyan. May iisang tugma o rima, at
bawat linya o taludtod ay pito ang pantig. O kaya’y itinititik ito sa buho ng kawayan sa
pamamagitan ng pag-ukit, at gumagamit ng sinaunang alpabetong Mangyan.
“Ang gagaling pala nilang tumula, mommy!” sambit ni Jack sa kanyang ina.
“Mayaman ang katutubong kultura, anak, at malungkot isiping baka ito’y tuluyan
nang mawala dahil sa pagpasok ng mga dayuhang nais lamang pagkakitaan ang yaman
ng lupa…”
Nag-alay si Ambo ng ambahan sa magkapatid. Si Tet ang nagsalin para sa kanila:
Isang araw, isinama ni Ambo si Jack at si Anne sa loob ng gubat. Dala nito ang
kanyang sibat, sakali’t makasabat sila ng baboy-damo sa kanilang paglalakad.
Tahimik na tahimik ang gubat, maliban sa huni ng ibon, kaluskos ng dahon, at anas
ng banayad na hangin.
Payat man ay malakas at maliksi si Ambo. Si Jack at si Anne pa nga ang patigil-tigil,
habol ang paghinga. Natatawa lamang si Ambo, at matiyaga niyang inantay ang mga
kaibigan.
Wala silang imikan halos. Ilang oras na silang naglalakad sa gubat. Wala pang
natutudla ang sibat ni Ambo. Ngunit siyang-siya naman ang magkapatid sa namamalas
nilang tanawin. Anong yamang pala ng gubat sa luntiang halaman, mga ligaw na bulaklak
na matingkad ang kulay, maiilap na hayop, at mga ibong umaawit!
Nakarating sila sa isang mabatong gulod. Mula rito’y tanaw nila ang malayong dagat.
Maya-maya’y nagdilim ang langit. Gumuhit ang matalim na kidlat. Nayanig ang bundok
sa lakas ng kulog. Bumuhos ang ulan.
Kaibigang dumayo
sa malayo kong kubo
masanay kaya kayo
sa hirap ng buhay ko
walang aliwan dito
kundi awit ng tao
kundi ang pangangaso
kundi kislap sa damo
pagkalipas ng bagyo.
Sumilong ang tatlo sa isang yungib. Doon na sila inabot ng ginaw at gutom. Di
naglaon ay humupa ang unos sa bundok.
“Bumalik na tayo,” sabi ni Ambo. “Mukhang sasama pa ang panahon.”
Maingat silang bumaba sa nagputik na dalisdis ng bundok. Nang bigla, nakarinig sila
ng ingay, parang hinahawing mga dawag. Papalapit sa kanila ang ingay na iyon.
“Kubli!” anas ni Ambo.
Nagtago sila sa ilalim ng isang nakayungyong, mayabong na pako, sa likod ng
matatayog na puno. Nag-antay sila. Inihanda ni Ambo ang kanyang sibat.
“Baka baboy-damo na!” usal ni Jack, na bagama’t nananabik ay nanginginig naman at
kinakabahan.
Sa halip, ang lumitaw ay isang pangkat ng mga lalaki at babae. May dalang baril
ang mga ito, at may pasang mga knapsack sa likod. Masaya silang nag-uusap, bagama’t
mukhang hapo. Ang iba sa kanila ay Mangyan.
“Kilala ko sila,” bulong ni Ambo sa magkapatid.
Hindi sila nagpakita. Malakas pa rin ang kabog ng dibdib ni Jack at ni Anne nang sila’y
muling lumakad.
Pagkaraan ng mga isang oras ng maingat na pagbaba sa kabundukan, sumigaw muli
si Ambo.
“Kubli!”
Nagsumiksik sa ilalim ng isang punong ibinuwal ng bagyo. Sa pagitan ng mga nagusling ugat, makikita nila kung anuman iyon na lumilikha ng mga nag-usling ugat,
makikita nila kung anuman iyon na lumilikha ng bagong ingay. Papalakas ang mga yabag
at mga tinig. Lumitaw mula sa makapal na dawag at kakayuhan ang isang pangkat ng
kalalakihan.
Nakasuot sila ng unipormeng batik-batik at kulay-berde, nakagora ng itim, at
sandatahan. Nakapulupot sa kanilang katawan ang tila ahas na lalagyan ng kanilang mga
bala. Mabalasik ang kanilang anyo, palinga-lingang anaki’y may hinahanap o tinutugis na
kaaway o tulisan.
Parang pinitpit na luya ang tatlong bata. Wala silang katinag-tinag. At wala silang
imikan nang magpatuloy sila sa pagbaba ng bundok.
Lumakas uli ang ulan. Sala-salabat ang kidlat. Dumagundong ang kulog. Sa pagitan
ng malalakas na kulog ay parang may narinig silang sunod-sunod na maliliit na kulog sa
di-kalayuan. Mga putok ng sandata.
Matuling lumipas ang dalawang buwan, at natapos ang bakasyon ng magkapatid.
Malungkot silang nagpaalam sa mga taga-Bagong Nayon, lalo na kay Ambo.
Babalik kami sa isang tao, pangako ‘yan!” sabi ni Anne.
“Aakyat uli tayo sa bundok!” nakatawang sabi ni Jack.
“Kung… narito pa kami…,” mahinang tugon ni Ambo.
Nagkaroon ng simpleng seremonya ang Bagong Nayon bilang pasasalamat kina Pete
at Tet sa kanilang pagtulong. Maraming nagamot si Pete. Marami rin siyang natutuhan
tungkol sa mga likas na panlunas na matatagpuan sa kagubatan. Marami namang
naturuan si Tet sa pagsulat at pagbasa. Marami rin siyang natutuhang mga ambahan,
awit at mga alamat mula sa mga kaibigang Mangyan.
“Dapat din kaming magpasalamat sa inyo,” tugon ng mag-asawa sa kanilang
pamamaalam. “Marami kaming natutuhan sa inyong lahat, at maging ang dalawa
naming anak ay namulat sa napakaraming kaalaman ng mga katutubo!”
Bago sila umalis, bumigkas uli si Ambo ng isang ambahan para sa kanila:
Paalam, kaibigan
salamat sa pagdalaw
sana’y di malimutan
malayong kabundukan
ay laging naghihintay
nananabik ang buhay
sa ating katuwaan
hindi ito paalam
masayang paglalakbay!




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento